h1

Isang Pumpon ng mga Salita

Nobyembre 13, 2009

Kung Ang Tula ay Isa Lamang

ni Jesus Manuel Santiago (1976)

 

Kung ang tula ay isa lamang

pumpon ng mga salita,

nanaisin ko pang ako’y bigyan

ng isang taling kangkong

dili kaya’y isang bungkos

ng mga talbos ng kamote

na pinulpol sa kung aling pusalian

o inumit sa bilao

ng kung sinong manggugulay,

pagkat ako’y nagugutom

at ang bituka’y walang ilong,

walang mata.

Malaon nang pinamanhid

ng dalita ang panlasa

kaya huwag,

mga pinagpipitaganang makata

ng bayan ko,

huwag ninyo akong alukin ng mga taludtod

kung ang tula ay isa lamang

pumpon ng mga salita.

 

 

Ang tulang “Kung ang Tula ay Isa Lamang” ni Jesus Manuel Santiago ang tulang nagpapukaw sa malaya kong isip. Hindi ko mawari ang kahulugan nito noong  una ko itong nabasa noong hayskul ako. Sa pagdaan ng panahon, naisip ko na ang isang tula ay maaari ring bumaklas sa namamayaning sistema. Ang tula ay hindi lamang binubuo ng mga taludtod na may sukat at tugma. Gaya ng nakasanayan natin sa tradisyunal na anyo ng tula. Ito ay maaaring maging malaya, maaaring umalpas at kumawala sa namamayaning sistema  ng ating lipunan.

Hindi lamang isang kalipunan ng mga magaganda at malalalim na salita ang dapat maging kwalipikasyon upang maituring na maganda at kahanga-hanga ang isang tula. Totoong ang tula o anumang  uri  ng panitikan ay balot ng hiwaga at talinghaga. Ngunit ang mga salitang ito kung walang pinatutunguhan at walang pinatutungkulan ay mawawalan ng saysay.

Mas mainam kung ang panitikan ay may silbi sa lipunang nagluwal dito. Mahalagang nakapaloob sa anumang uri ng panitikan ang mga isyung panlipunan at realidad ng buhay na nagaganap at nararanasan ng nilalang. Ang makata ay dapat maging makatarungan, walang kinikilangan. Ngunit ito’y tila napakaimposible. Bago mailathala ang anumang sulatin sa mainstream, ito’y dumaan muna sa mapanuring mata ng mga naghaharing uri sa lipunan. Ang anumang subersiyon o pagbaklas sa namamayaning sistema ay hindi naphihintulutan. Kaya ang resulta sa bandang huli, tinig lamang  na  “mula sa itaas”  ang naririnig natin sa panitikan.

Ang ibig sabihin ko rito ng tinig na  “mula sa itaas”  ay ang namamayaning uri sa ating lipunan gaya ng mayayaman, pulitiko, mga lalaki, at kapitalista. Sila lamang ang may gahum sa ating lipunan. Ang pangyayaring ito ay lubos na nakababagabag. Ang ideolohiya ng nakatataas na uri ay patuloy na ipinatatanggap sa atin nang hindi natin namamalayan sa anyo ng panitikan.

Tungkulin ng ating mga makata ang bigyan ng boses ang mga “tinig mula sa ibaba”. Kabilang ito ng mga mardyinalisadong grupo gaya ng mga babae, may kapansanan, mahihirap, pangkat etniko, lesbiyana, bakla, at iba pa. Ang kanilang tinig ay naisasantabi. Ang isyung kanilang kinakaharap ay hindi binibigyan ng pansin. Ang kanilang interes at karapatan ay patuloy na tinatapakan ng mga naghaharing uri. Kailangang magkaroon sila ng boses sa panitikan. At ito’y pasisimulan ng makata. Kaya mahalagang tungkulin ang ginagampanan ng isang makata o manunulat sa pagbabago ng ating lipunan.

Tama si Jesus Manuel Santiago, mabuti pang kumain na lamang ng talbos ng kamote sa pusalian para maibsan ang gutom na nararamdaman kaysa tanggapin ang tula na pulos pumpon lamang ng mga salita.

 

About these ads

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: