h1

Alibata: Ang Katitikang Pilipino

Nobyembre 3, 2010

Hindi ba’t isang hiwaga ang nakapaloob sa kultura? Isang napakalaking konsepto, mahirap matasa ngunit kahanga-hanga sapagkat nakaaapekto sa kamalayan ng sinuman. Mula sa kultura’y maitatag ang esensya ng pagkakilanlan o identidad. Anumang ebidensya o elementong bumubuo sa kultura’y nararapat lamang pahalagahan. Ang kultura’y maaring kongkreto o di-kongkreto. Ito’y maaring tradisyon o bagay na nakasulat, nakaukit gaya na lamang ng baybayin o alibata.

Bago pa man dumating ang mga dayuhan, may sariling sistema ng pagsulat na ang mga katutubong Pilipino, ang baybayin o alibata. Ang alibata ay binubuo ng tatlong patinig at labing-apat na katinig. Bawat isa sa mga katinig ay binabasa na may kasama na patinig a, kapag ito ay walang marka sa itaas o sa ibaba na mas kilala sa tawag na “kudlit,” o isang uri ng marka na ginagamit sa mga matatandang sistema ng pagsusulat. Kapag ito naman ay may kudlit sa ibaba, ang patinig a, ay napapalitan ng patinig o o di kaya ay u. Ngunit kung ang kudlit naman ay nasa itaas, ang patinig ay nagiging e o i.

Dala ng Hispanisasyon at Amerikanisasyon ng mga Pilipino, unti-unting naglaho ang alibata o baybayin. May ilang pangkat-etniko na lamang gaya ng Mangyan ang patuloy na gumagamit ng sinaunang sistema ng pagsulat na ito. May gumagamit din ng alibata sa pagdisenyo. Ang ilan ay nakalimbag pa sa T-shirt ngunit karamihan sa atin ay di nauunawaan ang nakasulat sapagkat karamihan sa mga Pilipino’y di marunong bumasa o sumulat ng alibata. Mananatili na lamang ba itong sangkap ng estetika?

Marami na rin nagtangkang buhayin muli ang alibata. Noong 1972 ang iskultor na si Guillermo Tolentino ay naglimbag ng kanyang aklat na Baybayin, a Syllabary. Noon namang 1978, si Ricardo Mendoza sa kanyang aklat na Pinadaling Pag-aaral ng Katutubong Abakadang Pilipino ay nagpaliwanag na dapat isama sa kurikulum ng edukasyon ng Pilipinas ang pag-aaral ng alibata upang ang kasalukuyang Filipino ay malinawan hinggil sa kanyang pagkatao. Kung susuriin tila ang pagsisikap nila ay hindi pa nagkakaroon ng bunga hanggang sa kasalukuyan.

Sana’y magkaroon ng puspusang programa o maisama man lamang kahit papaano sa ating kurikulum ang pagtuturo ng pagsulat at pagbasa sa ating sinaunang alpabeto. Kung ang pag-aaral ng wikang banyaga gaya ng Espanyol, Mandarin, Nihonggo ay binibigyang-halaga, dapat ay ganoon din ang pagpapahalagang ilaan sa ating sinaunang katitikan. Mahalagang manatili at maisalin ang kaalamang ito sa bago at susunod na henerasyon. Ito’y bahagi ng ating identidad o pagkakakilalanlan.

***Basahin ang mga artikulong nakapaloob sa journal na Ang Malay (http://www.ejournals.ph/index.php?journal=malay) upang magkaroon ng dagdag na kaalaman sa mga natatanging isyu sa wikang Filipino.

About these ads

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: