h1

Sikolohiya ng Wikang Filipino

Nobyembre 16, 2009

Tinataglay o dinadala ng wikang Filipino ang sikolohiya ng mismong gumagamit nito, ang mga Filipino. Sa kasalukuyan, kinikilala ang Sikolohiya bilang isang agham na nagsusuri sa pag-uugali at kamalayan ng tao. Ito rin ang siyentipikong pag-aaral ng pag-iisip ng tao at fungsiyon nito lalo na iyong nakakaapekto sa kilos; mental na katangian o aktitud ng isang tao o pangkat. Kaugnay nito, batay na rin sa naibigay na depinisyon ng sikolohiya, ang Sikolohiya ng Wikang Filipino ay ang pag-aaral sa karanasan, kaisipan at oryentasyong Pilipino, ito ang Sikolohiyang Pilipino.

Dahil sa walang sikolohiyang hindi bunga ng partikular na kultura, ang sikolohiyang nilinang sa ibang bansa ay hindi ang sikolohiyang naangkop para sa iba pang bansa. Kung gayon, mayroong sikolohiya ang mga Filipino na mamalas sa kultura at gayon din sa wika nito, ang Wikang Filipino. Ang panimulang pagsusuri ni Enriquez sa Sikolohiyang Pilipino batay sa kultura at wika ng mga Filipino ang siyang nagbunsod upang matukoy na ang sikolohiya ay tungkol sa kamalayan (tumutukoy sa damdami’t kaalamang nararanasan), sa ulirat (pakiramdam), sa isip (kaalaman at pagkaunawa), sa diwa (ugali, kilos o asal) at kaluluwa (daan upang pag-aralan ang budhi ng tao). Kung kaya matutukoy na mayroon ngang sikolohiya ang Wikang Filipino sapagkat mamalas ang mga elementong nabanggit ni Enriquez sa wikang ginagamit ng mga Filipino, na nagpapakita ng kasaklawan nito.

Sapagkat lubhang pinapahalagahan ang interaksyon o pakikipagkapwa-tao sa pamumuhay o sikolohiya ng mga Filipino, kinakailangan nila ang wika upang magsagawa ng komunikasyon, maging ito ay berbal o di-berbal na pamamaraan. Mainam na ilahad ang ilang halimbawa na magpapakita ng manipestasyon na mayroon ngang sariling sikolohiya ang wikang Filipino, na masasabing Pinoy na Pinoy ang dating. Umpisahan natin sa berbal na komunikasyon, sa puntong ito, isang katangian ng mga Filipino ang pagiging magalang, pagpapahalaga sa kapwa lalo na sa mga nakakatanda. Makikita ito sa paggamit ng “po” at “opo” tulad ng Saan po ang lakad ninyo?, Ano po ang kailangan ninyo?. Bata pa lamang ay tinuturuan na tayo ng ating mga magulang na  gumamit ng po at opo bilang pagbibigay galang sa mga nakakatanda. Isa ito sa mga katangian ng ating wika na nagpapaiba mula sa iba pang bansa. Dahil mahalaga para sa mga Filipino ang paggalang, mayroon ding tinatawag na pasintabi bilang pagpapaalam sa pagdaan sa lugar na pag-aari ng iba upang hindi makaperwisyo ng kapwa at ng di masamain ang iyong pagdaan. Nagsasabi tayo ng “Makikiraan lang ho.” upang igalang ang karapatang magmay-ari ng kapwa. Usong-uso lalo na sa mga probinsya ang pagbigkas ng pasintabi kapag dumaraan sa nuno ng punso. Ito ay ang paggalang o paniniwala na mayroong mga elemento sa kalikasan na makapangyarihan kaysa tao. Maaaring nauugat ito sa pagiging animistikong paniniwala ng mga katutubong Pilipino, pagsamba at pagpapahalaga sa kalikasan na itinuturing nilang diyos o makapangyarihan.

Tunay na lutang na lutang na may sikolohiya ang wika nating mga Filipino sa mga oral na tradisyon at panitikan. Makikita sa mga bugtong, salawikain, awit, tula, alamat at epiko ang mga pagpapahalaga ng mga Filipino. Sa bugtong, salawikain at awit, makikita dito ang  katangiang pagiging malikhain ng mga Filipino kung saan ang isang bagay na nakikita niya sa kanyang paligid ay nagagawan niya ng talinghaga at simbolismo upang maipakita ang katangian ng bagay na tinutukoy nito sa realidad na may layon na mangaral sa buhay, magpasaya, o manlibang sa kanyang kapwa. Gayundin naman ang mga epiko at alamat kung saan itinatanghal ang mga pagpapahalagang taglay ng mga Filipino tulad ng pagkakaroon ng malapit na relasyon sa pamilya, matapang, pakikiisa, pagmamahal sa bayan at marami pang iba tulad ng Biag ni Lam-ang, isang epiko. Bukod dito, sa mga katutubong panitikan, mababakas ang kultura ng mga Filipino.

Sa pagbibiro, bagamat meron din namang nagaganap na pagbibiruan sa ibang mga bansa, naiiba naman ang layon ng pagbibiro dito sa Pilipinas. Bukod sa ang paksa naman talaga ng mga biro dito sa Pilipinas ay karaniwang nagpapakita ng kultura mayroon ang Pilipinas, isang mahalagang dahilan ng pagbibiro sa Pilipinas ay upang magsilbi itong coping mechanism ng mga Pilipino sa oras na mahirap ang kanyang sitwasyon o may problema. Dito makikita na ginagamit ang pagbibiro upang magdamayan ang mga Filipino sa oras na kailangan upang hindi gaanong maging mabigat ang impak ng mga problema sa kanilang buhay. Sa pagmumura naman, isa itong pagsasabi ng masasakit na salita upang ibaba ang halaga ng isang tao. Kung mapapansin ang mga salitang mura sa wikang Filipino ay may kaugnayan sa seks at pagkawalang-gaalang sa ina (tulad ng putangina). Sa lipunan kasi na sobra ang pagpapahalaga sa pamilya lalo na sa ina, ang paggamit nito sa mura ay lubhang makapagpapasakit sa damdamin kung sino man ang pinatutungkulan nito.

Isa pang magandang patunay na may partikular na sikolohiya ang wikang Filipino na mauunawaan lamang ng mga Filipino ay ang kawalan ng katumbas ng pagsasalin ng mga terminong Filipino sa ibang wika tulad ng Ingles. Ang kawalan nito ng katumbas sa ibang wika ay nangangahulugan na katangi-tangi ang salita o wikang iyon sa bansang pinagmulan nito at dinadala nito ang kultura at sikolohiya ng lipunang pinagmulan nito. Halimbawa, sa Bulacan ay mayroong Singkaban Festival na nagaganap taun-taon. Ang salitang Singkaban ay tumutukoy sa arkong kawayan na inilalagay tuwing may kapistahang nagaganap. Sapagkat ito ay bahagi ng tradisyon o ng sikolohiya ng mga Filipino, tanging ang mga Filipino lamang ang makapagbibigay nito ng kahulugan. Ang salitang Singkaban ay walang katumbas sa ibang mga wika sapagkat hindi ito bahagi o abot ng kanilang sikolohiya. Ang mga tradisyon at kaugaliang Pilipino ang mga halimbawa kung saan mahirap matumbasan sa ibang wika ang mga terminong ginagamit dito sapagkat ang sikolohiya ng mismong Filipino ay nakapaloob din sa wika nito. Magandang halimbawa din ang konsepto ng rice sa Pilipinas, maraming katawagan ito sa atin tulad ng palay, bigas, kanin, tutong, samantalang sa Amerika ang tawag lamang nila dito ay rice. Sapagkat pangunahing pagkain ng mga Filipino ang bigas, marami silang katawagan dito.

Ang yupemismo sa lenggwahe ng mga Pinoy ay isang pag-aangkop sa mga sitwasyong kailangang iwasan. Halimbawa nito, kapag mayroong nakikiusap sa atin sa halip na sabihin nating hindi, sinasabi natin na siguro, depende, ewan ko, pag-iisipan ko sapagkat ayaw nating mapahiya ang taong nakikiusap sa atin. Sa ganitong paraan, naipakikita sa mga simpleng salitang ito ang lubhang pagpapahalaga sa kapwa.ng mga Filipino. Ginagamit din ang yupemistikong salita upang pag-iwas na makasakit ng loob. Bilang pagbati sa isang kakilala na pumapayat, sasabihin natin na “lalo ka yatang sumeseksi ngayon” o kaya naman sasabihan na “malusog ka ngayon” para sa mga tumataba. Ito’y sa paniniwalang mas mabuting gamitin ang mga salitang positibo o kaya’y nagpapakita ng concern o pagmamalasakit kaysa diretsang pagsasabi na tila isang pagpuna. Ang salitang bawal o taboo ay napapalitan ng mga yupemistiko tulad ng dibdib sa halip na suso, bulaklak sa halip na ari ng babae, pokpok sa halip na puta, at marami pang iba. Ginagawa ito sapagkat hindi diretsang masabi dahil nakahihiyang gamitin at malakas ang dating. May mga pananaw na nag paggamit ng yupemistiko ay panloloko, panlilinlang, pagsisinungaling o pag-iwas man ito ngunit para sa mga Filipino ito ay isang pangangailangang sikolohikal upang maging maayos at walang gusot ang relasyon sa komunidad at pagpapahalaga sa  damdamin ng kapwa.

Sa mga di-berbal na pamamaraan na  ginagamit ng mga Filipino sa kanilang komunikasyon, kakakitaan din ito ng kakanyahan sa sikolohiya na tanging ang mga Filipino lamang syang gumagawa at makakaunawa. Ang pagmamano, ay isang kaugalian ng pagbibigay-galang sa mga nakatatanda. Bata pa lamang ay tinuturuan na ng kanilang mga magulang nang sa gayon ay masanay ang bata na magbigay galang sa mga nakatatanda. Isa pang yunik o katangi-tangi sa di-berbal na komunikasyon ng mga Filipino na kapag nagtuturo ng direksyon ay iminumuwestra pa o kaya ay ininguguso o itinuturo bukod sa pagsasabi pa g direksyon. Ito marahil ay tanda din ng pagmamalasakit ng mga Filipino sa kanyang kapwa. Upang maging tiyak sa kanyang sinasabi na simpleng kanan o kaliwa (kung saan maaring mapagpalit ang dalawa dahil sa pagkalito), mas mainam na gamitin na ang pagtuturo gamit ang nguso o kamay upang hindi magkaroon ng kalituhan sa parte ng binibigyan ng direksyon at gayundin sa nagbibigay ng direksyon upang makatiyak siya sa kanyang sinasabi at di maligaw ang nagtatanong.

Pagdating sa espasyo, naiiba din ang konsepto ng mga Filipino. Mas intimate o personal ang kanilang konsepto ng espasyo na taliwas sa ibang bansa tulad ng Amerika na malalaking espasyo ang kailangan ng isang indibidwal. Dito lang yata sa Pilipinas, uso ang siksikang dyip, bus, LRT o MRT. Handa na makisiksik ang mga Filipino sapagkat alam nila na ang bawat isa ay may kani-kaniyang lakad at mahalaga na hindi mahuli sa kani-kanilang lakad ang bawat isa. Maging ang mga upuan sa klasrum ay lapit-lapit, mainam ito upang maging malapit sa isa’t isa ang mga mag-aaral. Sa Amerika, masyadong malalaki ang agwat ng silya ng mga mag-aaral sapagkat mas namamayani ang indibidwalismo sa kanila.

Ang mga pagtapik at paghipo sa mga Filipino ay isang mahalagang akto ng pakikipag-kapwa. Sa gitna ng mga kalamidad, ang isang tapik at akbay sa balikat ay sapat na upang mapanatag ang isang tao. Ang mga simpleng gestures na ito ay tanda ng pagmamalasakit, pagdamay at pagsalo o pagsuporta sa naturang indibidwal.

Sa kabuuan, batay sa mga ibinigay na halimbawa, masasabi ko na mayroon talagang partikular na sikolohiya ang wikang Filipino. Kahit na mangibang bansa pa ang isang Filipino at makatagpo ng kapwa niya Filipino doon ay natitiyak ko na magkakaroon sila ng ugnayan at magkakaunawaan sila sapagkat tinataglay ng wikang Filipino ang sikolohiya ng mga Filipino na tanging Filipino lamang ang makauunawa. Ang partikular na sikolohiya ng wikang Filipino ay yaong wika na nagpapahalaga sa pakikipagkapwa-tao, may katangiang malikhain, may pagpapahalaga sa damdamin ng kapwa at pagpapahalaga maging sa kalikasan. Nakapaloob din sa wika ang kultura at tradisyon ng mga Filipino na siyang nagdadala ng partikular na sikolohiya ng mga Filipino na mamamalas sa wikang Filipino.

Kaugnay ng aking inilahad na sanaysay makabubuti rin kung susubukang bisitahin ang “Ang Malay”, isang dyornal na multi-disiplinari sa Filipino sa http://ejournals.ph/index.php/malay na nililimbag ng Kolehiyo ng Malalayang Sining para sa Pamantasang De La Salle. Tinatampok sa dyornal na ito ang iba’t ibang kaisipan at kaalaman mula sa iba’t ibang disiplina.

2 mga puna

  1. buti na lang may mas maganda pa palang interprtasyon ng salitang ”sikolohiya”


  2. ah….isusulat ko to sa report namin😄



Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: